LIHAM NI YOLANDA mahaba pero maganda to xD
LIHAM NI YOLANDA
mahaba pero maganda to xD
Dear Pilipinas,
Ako si Yolanda. Oo ako ang bagyong pumatay sa libo ninyong mga kababayan. Pasensiya na.
Marami ang nagalit sa akin dahil sa naidulot kong lakas ng hangin at
pagtaas ng tubig sa kalupaan. Maliban sa buhay ng mga tao, hindi ko
pinalampas ang kanilang mga pag-aari at buhay. Ako rin ang magiging
dahilan ng paglamig ng inyong pasko at bagong taon. Lamig na hindi
lamang dulot ng hangin kundi pati ng ala-alang hindi naisamang inanod
pabalik sa dagat.
Ako si Yolanda at pinili ko ang Pilipinas
hindi dahil sa kayo ay malakas. Lalong hindi rin ako binayaran ng mga
politikong magnanakaw para malihis ang inyong atensiyon sa kanila. Hindi
totoong nagbayad sila sa Weather Manipulation Center at nagbayad ng
milyong dolyar para manalasa ako sa inyong bansa. Pinili ko kayo sa
isang dahilan. Dahilan na tiyak ay hindi pa ninyo mauunawaan sa ngayon.
Gusto kong ipakita sa inyo ang kahalagahan ng pera. Alam niyo ba na sa
isang iglap ay nawawala ang halaga ng pera? Oo, walang halaga ang pera.
Ang pera ay papel o barya lang na pwedeng mapunit, masunog at mabasa.
Abalang-abala ang karamihan sa paghahanap buhay at ang ilan, sa
pagnanakaw at panloloko ng kapwa. Hindi ka bubusugin at tatanggalan ng
uhaw ng pera mo. Hindi ka isasalba at ililigtas ng pera mo. Ang
magliligtas sayo ay ang pakikipagkapwa mo, pagiging handa mo at pagiging
masunurin mo.
Kung sumunod kayo sa sinabi ng barangay tanod
niyo na lumikas na, bahay niyo lang sana ang kinuha ko at hindi kasama
ang buong pamilya mo.
Kung naging handa ka at nanood ng balita
at hindi ang inaabangan mong teleserye ay nakapag-imbak ka siguro ng
maraming pagkain at tubig na maiinom.
Kung mabait ka sa kapwa
mo, kahit nanonood ka ng teleserye ay sasabihan ka nila at kakatukin sa
pagkakatulog para lang mailikas ka.
Ako si Yolanda at ang paborito kong laro ay ang Blame Game.
Si P-Noy ang may kasalanan dahil wala siyang ginawa!
Si Binay ang may kasalanan sa pagkadelay ng relief goods dahil nagpagawa pa ng plastic na may pangalan niya!
Si Mar Roxas ang may kasalanan dahil ambagal niyang kumilos!
Si Korina niloloko tayo sa imbento niyang kuwento!
Si Anderson Cooper gawa-gawa ng kwento!
Si Henares ang dahilan kung bakit nadelay ang tulong ng international community!
Si Napoles ang may kasalanan dahil ang lahat ay abala sa panonood ng trial niya at hindi tuloy nakapaghanda ang iba!
Ito talaga ang paborito kong laro. Ang sarap makita ang karamihan sa
inyo na nagbabatuhan ng masasakit at mababahong pananalita. Hindi niyo
alam ngayon kung sino ba ang nagsasabi ng totoo. Hindi niyo alam kung
sino ang papanigan dahil ang bawat panig ay mukhang totoo ang sinasabi.
Ang pangulo niyo ay napapakamot ng puyo niya sa ulo tuwing siya ang
ginigisa. Hindi niya alam kung paano itatawid ang mga relief goods
papunta sa mga nangangailangan. Kulang ang sasakyang pandagat,
panghimpapawirin at panglupa. Pinilay ko kayo sa isang iglap upang
ipamukha ang ginagawa ng mga politikong nanalo sa daya at ang mga taong
binebenta ang kanilang boto.
Alalahanin ninyo ako at isulat sa libro ng history.
Dahil sa akin, marami ang tulong na dumagsa mula sa iba’t ibang bansa.
Dahil sa akin, nakita ninyo kung gaano kahanda tumulong ang mga bansang
inyong nakaalitan at nakatampuhan. Tuta ng kano? Magpasalamat kayo sa
barko at eroplano nila. Bansa ng mga sakang? Magpasalamat kayo sa
medical na tulong nila. Mga Tsekwang hilaw? Magpasalamat kayo sa daang
libong dolyar na inabot nila. Mga mababahong arabo? Magpasalamat kayo sa
UAE at Saudi na hindi nagdalawang isip sa pagtulong.
Marami kayong dapat ipagpasalamat lalo na kung hindi ko kayo inabot at ligtas ang inyong pamilya at kamag-anak.
Ako ang magiging taga-suri. Ako ang magpapalitaw kung sino ang mga
taong may malinis, bukas at malaki ang puso at kamay. Kayo ang humusga
kung kapa-imbabawan ang donation ni Kris Aquino, Angel Locsin at NBA
Community. Kayo ang humusga kung pakitang tao lang ang tulong ng
Vatican, Iglesia ni Cristo, Muslim, UNICEF at Redcross. Kayo na ang
humusga kung pasikat lang sina Shoichi Kondoh na bata na taga-Japan,
Ginggay Pajaros at Triple-S sa Bambang, si Benjie ng batang mang-inasal
sa Butuan City at si Atom Araullo na hinampas at sinampal ko sa
kasagsagan ng aking pagdaan.
Ako si Yolanda at dahil sa akin,
magkakaisa kayo. Ang kulay ng balat, ang liit ng mata at ang tangos ng
ilong ay hindi na ninyo mapapansin. Makikita niyo na kawawa ang inyong
bansa dahil hindi pa ninyo kaya kung kayo lang mag-isa. Maaawa kayo sa
sarili niyo at magsisikap kayo. Mataas ang pride ng Pinoy. Ang ilan,
hindi matanggap ang mamalimos. May utang na loob ang Pinoy. Dekada o
siglo mula ngayon, hindi niyo malilimot kung paano kayo tinulungan ng
US, Britain, Australia, UNWFP, UNICEF, Japan, Canada, China, Taiwan,
ASEAN, Belgium, Canada, China, Denmark, European Union, Germany,
Hungary, Indonesia, Israel, Italy, Malaysia, The Netherlands, New
Zealand, Norway, Russia, Saudi Arabia, Singapore, Spain, South Korea,
Sweden, Switzerland, Taiwan, Turkey, United Arab Emirates, United
Kingdom, Redcross, World Vision, Mercy Corps, Doctors without Borders,
Vatican, Ireland, Vietnam at mga NBA Player.
Alam kong
makakabangon kayo. Sa inyo nakadepende ang bilis ng inyong pagtayo. Sa
inyong mga mapanuring mga mata at boses na nagkakaisa, sa konsensya ng
mga politiko at businessman, sa pagtulong ng international community at
higit sa lahat, sa inyong pagmamahal. Pagmamahal sa kapwa, sa paligid,
sa kalayaan, sa hustisya at sa inyong Perlas ng Silanganan.
Nagmamahal,
Yolanda.
(Hindi ko po mahanap kung sino ang author nito, ngunit lubos akong nagpapasalamat dahil sa ganda ng mensaheng nilalaman nito.)
No comments:
Post a Comment